SDOSC Updates
Lathalain

Masipag si PASSING-Awa

Ni Jose Rizal · 57 minuto ang nakalipas · 4 min read

Masipag si PASSING-Awa

May mga markang ipinagdiriwang. May mga markang ipinapaskil sa bulletin board, inililista sa honor roll, at ginagawang batayan ng isang pangarap na scholarship.

At mayroon ding mga markang tahimik lamang na dumaraan sa isang report card—75, 76, 77—mga numerong sapat upang makatawid, ngunit kadalasa’y hindi sapat upang mapansin. Walang medalya sa gilid. Walang palakpak. Isang marka lamang na tila nagsasabing, nakapasa ka, pero hindi ka nangunguna.

Ngunit paano kung sa likod ng numerong iyon ay isang araw na nagsimula sa trabaho bago klase, isang gabing ipinagpalit sa pagbabasa, at isang pagod na kailangang itago bago humarap sa guro? Paano kung ang mababang grado ay hindi sukatan ng kakulangan sa sipag, kundi bakas ng isang buhay na kailangang pagsabay-sabayin?

Lampas sa Linya ng REMARKS sa Report Kard

Sa loob ng classroom, pare-pareho ang papel ng pagsusulit. Pare-pareho ang bilang ng mga tanong. Pare-pareho ang oras na ibinibigay upang sumagot.

Ngunit hindi pare-pareho ang mga estudyanteng nakaupo sa harap nito.

May mga nag-aaral na ang tanging iniisip ay ang susunod na exam. May mga nag-aaral namang habang nagbabasa ng libro ay iniisip kung saan kukunin ang pamasahe kinabukasan. May mga nakikipagbuno sa equations at essays habang ang iba nama’y nakikipagbuno muna sa oras—kung paano pagkakasyahin ang trabaho, klase, pamilya, at pag-aaral sa iisang araw.

Sa ganitong kalagayan, nag-iiba ang bigat ng bawat numero. Ang 75 ay maaaring mukhang mababa sa papel, ngunit maaaring napakamahal nitong makuha para sa isang working student. Hindi nakikita ng grado ang oras ng trabaho bago pumasok. Hindi nito binibilang ang puyat. Hindi nito alam kung ilang beses kailangang piliin ang pag-aaral kahit may mas agarang pangangailangan.

Ang grading system ay sumusukat sa sagot. Hindi nito nasusukat ang isinakripisyo upang makasagot.

Tulong na Dapat Umabot

Sa mundo ng scholarships, madaling humanap ng sukatan. Grades. Awards. Academic standing. Mga numerong malinaw, maayos, at madaling paghambingin.

At hindi naman ito mali.

Karapat-dapat kilalanin ang estudyanteng nagsikap upang makakuha ng mataas na marka. Karapat-dapat ding bigyan ng pagkakataon ang mga mahusay sa akademiko. Ngunit kung ang pagiging deserving ay palaging nagsisimula at nagtatapos sa numero, may mga estudyanteng maaaring hindi manalo sa kumpetisyon ng grado—ngunit araw-araw namang nananalo laban sa posibilidad na tuluyang mawalan ng pagkakataong mag-aral.

Dito mahalagang makita ang ibang mukha ng tulong pang-edukasyon.

Sa South Cotabato, umaabot sa ₱137.9 milyon ang educational fund ng lalawigan, habang ₱72.4 milyon naman ang inilaan para sa Kabugwason Fund . Sa likod ng malalaking halagang ito ay hindi lamang mga numero sa badyet. Ang bawat pisong inilaan para sa edukasyon ay maaaring maging pamasahe, pagkain, gamit sa paaralan, o—pinakamahalaga—isang dahilan upang manatili ang isang estudyante sa loob ng classroom.

Hindi lamang kailangang gantimpalaan ang mga nakarating na sa unahan. May halaga ring tulungan ang mga pilit na umaabot.

Determinasyon siyang Puhunan

May puwang sa scholarship para sa talino. Dapat mayroon ding puwang para sa pangangailangan.

Sa pamamagitan ng Grant-in-Aid Program, nabibigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng maaaring hindi umabot sa matataas na pamantayang akademiko ng tradisyunal na scholarship, ngunit may sapat na determinasyong ipagpatuloy ang pag-aaral.

 Hindi nito binababa ang halaga ng mataas na grado. Sa halip, kinikilala nitong may iba’t ibang dahilan kung bakit hindi pare-pareho ang nararating ng bawat mag-aaral.

Sapagkat hindi lahat ng estudyante ay nagsisimula sa parehong linya.

May ilan na ang laban ay kung paano magiging pinakamahusay. May iba namang ang laban ay kung paano makararating bukas. At sa pagitan ng dalawang laban na iyon, may mga estudyanteng nagtatrabaho habang nag-aaral; mga kamay na kumikita sa araw at sumusulat sa gabi, mga matang kailangang manatiling bukas kahit matagal nang humihingi ng pahinga ang katawan.

Kung gayon, marahil ay hindi sapat na itanong kung “Gaano kataas ang grado?”

Mas makatarungan sigurong itanong: “Ano ang kinailangang lampasan upang makuha iyon?”

Dahil may mga 90 na bunga ng sipag.

May mga 75 ring bunga ng sipag—ngunit may kasama pang trabaho, gutom, puyat, responsibilidad, at pangambang baka bukas, wala nang pambayad para makapasok.

Pareho silang estudyante.

Ngunit hindi pareho ang bigat na kanilang binuhat papunta sa paaralan.

At marahil, iyon ang bahaging hindi kailanman kayang ilagay ng isang numero sa report
card.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *