Hindi pa itinaas ang alert level ng Mayon, ngunit tila may isang bagay nang kailangang itaas: ang pamantayan ng pamahalaan sa pagbibigay-babala. Matapos maitala ang pagtaas ng sulfur dioxide (SO₂) emission ng bulkan, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na natural lamang ang pagbabago-bago ng gas emission at hindi pa sapat ang kasalukuyang trend upang itaas ang alert status. Maaaring tama ang siyentipikong pagtatasa, ngunit sa isang bansang paulit-ulit na humaharap sa sakuna, hindi dapat matapos sa “normal fluctuation” ang usapan. Kung hindi pa kailangang mag-alerto, kailan at paano dapat maging malinaw ang gobyerno sa publiko?
Ang problema ay hindi ang hindi pagtataas ng alert level. Ang problema ay kung paano madaling nauuwi ang isang teknikal na paliwanag sa isang mensaheng maaaring maunawaan ng publiko bilang “wala pang dapat ikabahala.” Para sa mga komunidad na nakatira malapit sa Mayon, mahalagang malaman hindi lamang kung ano ang kasalukuyang antas ng panganib, kundi kung ano ang ibig sabihin nito, ano ang dapat nilang bantayan, at ano ang dapat nilang gawin kung magbago ang sitwasyon. Hindi sapat ang datos kung hindi ito naipapaliwanag nang malinaw. Sa sakuna, ang kalituhan ay panganib din.
At dito muling lumilitaw ang matagal nang problema sa disaster response: lagi na lamang kailangang may mangyari bago maging sapat ang kilos. Hindi lamang ito usapin ng bulkan. Sa bagyo, lindol, baha, at iba pang kalamidad, paulit-ulit na ipinapakita kung gaano kadaling ipasa sa mamamayan ang bigat ng paghahanda. Kapag nakaligtas, tinatawag tayong “matatag.” Kapag nakabangon, ipinagmamalaki ang “Filipino resilience.” Ngunit hindi dapat gawing medalya ang pagtitiis sa sistemang hindi handa. Ang resiliency ay hindi dapat maging palusot para sa kakulangan sa malinaw na impormasyon, maagap na aksyon, at maayos na disaster response.
Sapagkat ang kapalit ng kapabayaan ay hindi lamang sirang bahay o pagkaantala ng kabuhayan. Kalusugan ng tao ang nakataya. Ang volcanic gases tulad ng SO₂ ay maaaring magdulot ng panganib sa mga sensitibong indibidwal kapag mataas ang exposure. Kaya habang minomonitor ng Phivolcs ang kondisyon ng Mayon, nararapat lamang na sabayan ito ng pamahalaan ng malinaw at napapanahong health advisories. Hindi dapat kailangang maghintay ang publiko ng makapal na abo, matinding amoy, o aktuwal na paglikas bago malaman kung paano poprotektahan ang sarili.
Hindi rin dapat gamitin ang pagiging kalmado bilang dahilan upang maging kampante. Kung natural na nagbabago ang SO₂ emission, ipaliwanag ito sa paraang mauunawaan ng karaniwang residente—hindi lamang bilang teknikal na datos, kundi bilang gabay kung ano ang dapat gawin at bantayan. Kung hindi pa kailangan ang pagtaas ng alert level, sabihin kung bakit; kung may mga kondisyon na maaaring magpabago nito, sabihin din kung ano ang mga iyon. Ang responsableng pamahalaan ay hindi lamang marunong magdeklara ng alert level; marunong itong magbigay ng babalang naiintindihan bago pa maging emergency.
Maaaring hindi pa alert ang Mayon, ngunit hindi ibig sabihin nito na maaari nang maging kampante ang pamahalaan. Ang pagtaas ng SO₂ ay maaaring natural na pagbabago, ngunit dapat itong magsilbing paalala na ang panganib ay hindi lamang nasusukat sa kulay ng alert status. Huwag nating hintaying maging sakuna ang isang babala bago maging malinaw ang gobyerno. Sapagkat ang tunay na sukatan ng kahandaan ay hindi kung gaano katatag ang Pilipino sa pagbangon—kundi kung gaano kahusay ang sistemang pinipigilang bumagsak ang Pilipino sa unang pagkakataon.