Kung kusang-loob ang ambagan, bakit parang nakakahiya pa ring hindi magbigay? Iyan ang tanong na hindi ko maiwasang isipin matapos ilahad ni South Cotabato Provincial Information Officer Rudy S. “Sina-on” Jimenea sa press conference ang No Collection Policy. Ayon sa kanya, maaaring kunin sa humigit-kumulang ₱37 milyon na Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ang mga gastusing saklaw ng paaralan. Maganda pakinggan: may pondo, walang kolekta, walang dagdag na pasanin. Pero sa totoong classroom setting, hindi ganoon kasimple. Dahil kapag hindi sapat ang pondo at kailangan pa rin ang isang bagay, ang “kusang-loob” ang madalas na sumasalo—at kung tutuusin, may gastos pa rin.
May legal na batayan ang No Collection Policy sa Republic Act No. 4206, na inamyendahan ng RA 5546, at muling binigyang-diin ng DepEd. Layunin nitong protektahan ang mga mag-aaral at guro mula sa sapilitang kontribusyon. Walang masama sa layuning iyon. Sa katunayan, kinakailangan ito upang hindi maging hadlang ang pera sa pag-aaral. Ngunit ang problema ay hindi ang polisiya mismo—ang problema ay ang agwat sa pagitan ng ipinagbabawal na “mandatory collection” at ng aktuwal na gastusing hindi naman nawawala. Hindi porke’t bawal mangolekta ay wala nang kailangang bilhin.
At dito pumapasok ang ₱37 milyon na MOOE. Oo, may pondo. Pero isipin natin ang laki ng saklaw nito: iba’t ibang paaralan, iba’t ibang pangangailangan, iba’t ibang aktibidad, at iba’t ibang gastusing kailangang tugunan. Hindi naman pare-pareho ang pangangailangan ng bawat classroom. May mga proyektong biglang kailangan ng materyales, may group activity na nangangailangan ng printing o kagamitan, at may maliliit na gastusing hindi agad nasasagot ng nakalaang pondo. Sa papel, may MOOE. Sa classroom, may deadline. At kapag hindi agad makuha ang kailangan, saan hahantong ang estudyante?
Sa “voluntary contribution,” siyempre. Kusang-loob daw. Walang pumipilit. Pero alam naman natin ang realidad. Kapag lahat ay nagbigay at ikaw lamang ang hindi, talagang mararamdaman mong ikaw ang naiiba. Kapag group project at may kailangang bilhin, mahirap sabihing “hindi ako magbibigay” kahit hindi naman ito opisyal na koleksyon. Kapag sinabi ng kaklase na “kahit magkano lang,” kusang-loob pa rin ba iyon kapag may kasamang konsensiya? Hindi man mandatory sa papel, maaari itong maging mandatory sa pakiramdam. At para sa estudyanteng kapos sa pera, kahit maliit na halaga ay hindi naman awtomatikong maliit na pasanin.
Kaya hindi ako kumbinsido sa ideyang sapat nang sabihing “voluntary naman.” Dahil kung ang sistema mismo ang naglalagay sa estudyante sa sitwasyong kailangan niyang mamili sa pagitan ng hindi pag-ambag at pakiramdam na nakiki-ride lang siya sa ambag ng iba, hindi iyon ang uri ng kalayaang dapat ipinagmamalaki. Ang tunay na No Collection Policy ay hindi dapat maging laro ng mga salita kung saan “mandatory” ang ipinagbabawal pero “kusang-loob” ang nagiging praktikal na kapalit. Kung may pangangailangan, dapat malinaw kung sino ang sasagot at saan manggagaling ang pondo—hindi iyong sa huli, estudyante rin ang maglalabas ng pera.
Kaya oo, saludo ako sa layuning gawing mas magaan ang edukasyon. Pero sana, huwag tayong hanggang sa maganda lamang pakinggan. Kung may ₱37 milyon na MOOE, tiyaking sapat at maayos ang paggamit nito. Kung hindi sapat, maglaan ng dagdag na suporta. At kung bawal ang koleksyon, huwag hayaang ang “kusang-loob” ang maging butas kung saan muling pumapasok ang gastos. Dahil ang ambagang hindi sapilitan ay maaaring hindi mandatory sa papel, pero sa totoong classroom, alam nating minsan, mahirap tumanggi. At kung ganoon pa rin ang kalakaran, baka hindi talaga “No Collection Policy” ang mayroon tayo—“No Mandatory Collection, Pero Magbigay Ka Kung Kailangan” Policy.