Hakbang sa Aplikasyon sa Kabugwason Scholarship
Hindi nagsisimula ang pagiging iskolar sa isang allowance. Nagsisimula ito sa isang desisyon—ang subukang ipagpatuloy ang pag-aaral kahit mabigat ang gastusin.
Para sa mga kabataang South Cotabateño, maaaring maging tulay ang Kabugwason Paglaum Scholarship and Grant-in-Aid Program. Ngunit bago matawag na iskolar, kailangang lampasan muna ang ilang hakbang.

- ALAMIN KUNG PASOK
Bago maghanda ng mga dokumento, alamin muna kung kwalipikado. Para sa regular college scholarship, kabilang sa itinakdang pamantayan ang pagiging residente ng South Cotabato, GWA na 85% pataas, at family income na hindi lalampas sa ₱500,000 kada taon, bukod sa iba pang program requirements.
Para naman sa Grant-in-Aid, nakatuon ang tulong sa mga kwalipikadong estudyanteng may pangangailangang pinansyal at kabilang sa mga sektor na saklaw ng programa. - IHANDA ANG MGA KAILANGAN
Application form. Certificate of grades. Good moral. Barangay certificate. Birth certificate. Certificate of indigency.
Hindi lamang mga papel ang mga ito. Bawat dokumento ay patunay ng kalagayan at pangangailangan ng aplikante. Kaya bago pumila, mas mabuting kumpleto na ang checklist. - HUMARAP SA PAGSUSURI
Matapos ang pagsusumite, susunod ang screening at assessment. Para sa mga college scholarship applicant, kabilang sa proseso ang qualifying examination at ranking; maaari ring magkaroon ng background investigation.
Sa puntong ito, hindi na lamang grado ang pinag-uusapan. Sinusuri rin kung sino ang karapat-dapat bigyan ng pagkakataong magpatuloy. - MAGHINTAY AT MAGPATULOY
Kapag nakapasa sa proseso, saka pa lamang haharap sa mga susunod na hakbang tulad ng orientation at agreement signing.
Ngunit higit sa perang matatanggap, ang scholarship ay isang pagkakataon—isang kaunting ginhawa para sa estudyanteng kailangang pumili sa pagitan ng pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan.
Dahil ang pagiging iskolar ay hindi lamang tungkol sa pagtanggap ng tulong.
Ito ay tungkol sa pagkakataong magpatuloy.