South Cotabato pinalalakas ang pondo para sa edukasyon
Inilahad ni Provincial Information Officer Rudy S. Jimenea bilang kinatawan ni Governor
Reynaldo S. Tamayo Jr. ang mga hakbang ng pamahalaang panlalawigan para palakasin
ang suporta sa edukasyon sa isinagawang Division Schools Press Conference (DSPC)
2026.
Hindi nakarating si Tamayo sa aktibidad kaya si Jimenea ang naglahad ng mga puntong
nais sanang talakayin ng gobernador hinggil sa mga programang pang-edukasyon ng
lalawigan.
Sa gitna ng mga gastusing maaaring maging hadlang sa pag-aaral, binigyang-diin sa
talakayan ang layunin ng pamahalaang panlalawigan na gawing mas abot-kamay ang
edukasyon para sa mga kabataan sa South Cotabato.
₱85-M pondo, inilaan sa paaralan
Inaprubahan ng Provincial School Board ang ₱85 milyon na Special Education Fund (SEF)
para sa 2026 upang suportahan ang operasyon at maintenance ng mga pampublikong
paaralan, sports development, at Early Childhood Care and Development.
Naglaan din ang pamahalaang panlalawigan ng karagdagang pondo para sa
education-related programs at operasyon ng mga pampublikong paaralan.
Kabilang sa mga sinusuportahan ng pondo ang mga pangangailangan ng paaralan at
education support personnel na tumutulong sa pagpapatakbo ng mga pampublikong
institusyon.
No-collection policy, ipinatupad
Binigyang-diin din sa mensahe ni Tamayo ang pagpapatupad ng no-collection policy sa
mga pampublikong paaralan upang maiwasan ang karagdagang gastusing ipinapasa sa
mga mag-aaral at kanilang pamilya.
“Ayaw ni Gov. Tamayo na dahil lang sa bayarin ay hindi makapag-aral ang kabataan,” ayon
kay Jimenea sa mensaheng inilahad niya bilang kinatawan ng gobernador.
Iniuugnay ng pamahalaang panlalawigan ang polisiya sa Free Education Program na
naglalayong mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga pamilyang may mga anak na
nag-aaral.
Scholarship, pinalawak ang tulong
Naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng ₱72.4 milyon para sa Kabugwason Paglaum
Scholarship and Grant-In-Aid Program (KPSPGIAP) para sa 2026.
Itinaas din ng programa ang grant-in-aid assistance mula ₱5,000 tungo sa ₱15,000 kada
semestre para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sa pamamagitan ng pondo para sa paaralan, no-collection policy, at scholarship
assistance, patuloy na tinutugunan ng pamahalaang panlalawigan ang mga pinansiyal na
hadlang na maaaring makaapekto sa pag-aaral ng kabataan.